Breaking the Convention Part III: Marginalized kamo?

Panahon na naman ng eleksyon, at panahon na naman ng mga naglipanang partido at pati na rin ng mga party-list na naghahangad ng representasyon sa mababang kapulungan. Diumano, sila ay mga bahagi ng “marginalized sector” sa ating lipunan.

Pangatlo ito sa siyam na serye ng mga artikulong mumulat sa mga Kabataan pagdating sa ginagawa ng kanilang mga nakakatanda sa lipunan. Hindi ito pangkaraniwang artikulo, ngunit isa itong paraan para makipagusap sa mga kabataan sa natural na pamamaraan. Nawa’y kapulutan ng aral ang artikulo at maging simula ng pagnanais ng mga kabataan na maging iba sa kanilang kinagisnan.

Panahon na naman ng eleksyon, at panahon na naman ng mga naglipanang partido at pati na rin ng mga party-list na naghahangad ng representasyon sa mababang kapulungan. Diumano, sila ay mga bahagi ng “marginalized sector” sa ating lipunan.

Oo nga naman, maaaring ang mga kanilang kinakatawan ay sabihin nga nating nabibilang sa mga hindi nabibigyan ng boses sa pamahalaan, pero kapag nakita mo naman ang mga nominado ng mga party-list na ito, iisipin mo nga bang karapat-dapat nilang katawanin ang mga “marginalized” sa ating lipunan? Aba, posturing postura ang ibang mga nominadong kandidato sa party-list na akala mo ba’y sila’y mga miyembro ng alta sosyedad at hindi ng kanilang mga kinakatawang sector.

Sa magaling na sabi ni Ka Anthony Taberna:

“Susmariano Ka Indo! Anak ka ng sampung pating!”

Hindi lang binababoy, kundi nilalapastangan ng iilang personalidad, tao at grupo ang representasyon ng mga “marginalized” na sektor sa lipunan, sa pamamagitan ng sistema ng party-list. Nagiging ekstensyon na rin ito para sa iilang ganid sa kapangyarihan para iposisyon ang iilang kamag-anak o kaibigan na magkaroon ng kapangyarihan sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga “hawshaw” o mga kunwaring party-list na hindi naman tunay na kumakatawan sa sektor na kanilang dinadadala.

Halimbawa- Nakagugulat at nakagugulantang na si G. Mikee Arroyo pala ang pinakanararapat na kumatawan sa mga security guard. Tanungin kaya natin ang kapulungan ng mga security guard at ating alamin kung talagang siya ang pinakanararapat. Oo, naging security guard si G. Mikee Arroyo sa isang pelikula sa aking pagkakaalam pero sapat na ba itong batayan upang katawanin niya ang grupo ng mga security guard?

Aba at isa pa itong Ako Bicol na ginawang underrepresented ang pagiging “Bicolano” sa lipunan. Aba mga kuya’t ate, edi kung ang mga Bicolano ay nasa “marginalized” at “underrepresented” sa lipunan eh eengganyuhin ko na din ang mga Badjao, Maranaw, Tausug, at iba pang mga grupong etniko na magpasa ng kanilang kandidatura bilang isang party-list na organisasyon. Isa pa, may mga kinatawan kayo sa probinsya at kinabibilangang distrito. Ano ang party-list? Takbuhan ng mga talunan na kandidato sa pagka-congressman na gustong makapasok sa kongreso sa ibang paraan?

Ang malala pa dito, pati ang mga organisasyong panrelihiyon ay nakikisawsaw na din sa pamamagitan ng mga grupong di umano ay marginalized, pero kapag nakita mo ang mga mukha ng mga nominado, alam na alam mo kung sino ang nagpapatakbo sa kanila at kung sino ang susuporta sa kanilang kandidatura. Akala ko ba nakasaad sa ating konstitusyon ang malinaw na separasyon ng estado at ng simbahan?

Sa totoo lang naman, maganda ang hangarin ng party-list system, pero dahil sa likas na mapanamantala at ganid ang ibang mga nasa kapangyarihan, hinudas at talaga nga namang winalang-hiya ng iilan ang sistema para sa kanilang sariling kapakanan.

Magtatanong pa ba tayo kung bakit ang mga tunay na “marginalized” sa ating lipunan ay wala nang tiwala sa pamahalaan at nakikibaka na lamang sa lansangan sa pamamagitan ng pagproprotesta?

Ano ba talaga kasi ang malinaw na depenisyon ng “marginalized” sa ating batas? Tama bang laging nakabase ang depinisyon ng “marginalized” sa COMELEC at Supreme Court? Hindi ba dapat malinaw sa batas kung ano ang kuwalipikasyon para maituring ang isang organisasyon na “marginalized”?

Ang pag-aaway ng Anakbayan at Akbayan nitong kamakailan ay patunay lamang na may mas higit pang dahilan ang mga party-list na organisasyon para makuha ang representasyon sa kongreso. Ano nga ba talaga ang mayroon sa kapangyarihan ng pagiging party-list bukod sa representasyon? Pero ang higit na mahalagang tanong, marginalized ba talaga ang mga tumatakbo sa ating party-list system?

Ano? Marginalized ba kamo?

BLOG COMMENTS POWERED BY DISQUS
About the Author
Mr. Aaron Benedict De Leon is currently a Business Development Practitioner in a private consulting firm. He has more than six years of professional experience in leading and managing political and non-government organizations, specializing in organizational management, policy development and program management. He has had stints with notable political/socio-civic organizations, serving in various capacities as: Secretary-General of the Centrist Democratic Party of the Philippines (CDP) [2013-2015], Founding Chairperson of the Centrist Democratic Youth Association of the Philippines (CDYAP) [2012-2014], Philippine Representative to the International Young Democrat Union (IYDU) [2011-2012], Chairperson of the Christian Democratic Youth [2011-2012], Secretary-General of YOUTH Philippines [2010-2011], and Spokesperson/Communications Director of the GT2010 Gilbert Teodoro Presidential Campaign [2009-2010].
Other Articles