Breaking the Convention Part IV: Ang Tama at Maling Pagsawsaw

Ang tanong: “Ano ba talagang pakialam natin sa isang kahit papaano’y politically mature na bansa tulad ng Estados Unidos? Anong karapatan nating mamuna sa isang bansang tinatalakay ang mga isyu at hindi mga personalidad, di tulad sa ating bansa?”

Pangapat ito sa siyam na serye ng mga artikulong mumulat sa mga Kabataan pagdating sa ginagawa ng kanilang mga nakakatanda sa lipunan. Hindi ito pangkaraniwang artikulo, ngunit isa itong paraan para makipagusap sa mga kabataan sa natural na pamamaraan. Nawa’y kapulutan ng aral ang artikulo at maging simula ng pagnanais ng mga kabataan na maging iba sa kanilang kinagisnan.

Kahapon ay binaha ang social media feeds ng mga congratulatory messages para sa muling nahalal na U.S President Barack Obama. Nakibahagi ang mundo sa pagmamatyag sa nagdaang eleksyon sa Estados Unidos. Kabilang sa mga aktibong sumubaybay dito ang mga Pilipino, na nagpahayag ng kanilang gusto o disgusto sa pagkapanalo ni Pangulong Obama.

Naiintindihan ko na kahit papaano ay may epekto ang mga kilos ng pamahalaan ng Estados Unidos sa ating bansa, pero ang hindi ko maintindihan ay ang Ka-OAyan ng reaksyon ng iilan tungkol sa pagkapanalo ni Pangulong Obama.

Maraming nagpahayag na sila’y nagdadalamhati sa pagkabigo ni G. Romney at muli na naman daw silang bigo, tulad sa pagkabigo sa eleksyon dito sa Pilipinas. May iilan naman na nagpahayag na walang kwenta ang pamunuang Obama at lalo lamang nitong palalalain ang sitwasyon ng ekonomiya ng Estados Unidos. May iilan ding tumawag kay Obama na “NOBama” at kung anu-ano pang mga taguri. Ngunit ang nakagugulat ay ang pagpuna ng ibang mga Pilipino sa sistema ng eleksyon sa Estados Unidos at sa maling pagpili diumano ng mga Amerikano sa tamang kandidato.

Ang tanong: “Ano ba talagang pakialam natin sa isang kahit papaano’y politically mature na bansa tulad ng Estados Unidos? Anong karapatan nating mamuna sa isang bansang tinatalakay ang mga isyu at hindi mga personalidad, di tulad sa ating bansa?”

Isang malaking huwaw! Huwaw talaga! At isa pang bonggang bonggang Huwaw!

Ang galing naman nating sumawsaw kahit na alam naman nating lahat na nalalayo ang ating sistema at kalakarang pangpulitika kung ikukumpara sa Estados Unidos.

Hindi ko sinasabing huwag nating ipagmalaki ang Pilipinas, pero huwag din sana nating lokohin ang ating mga sarili. Hindi maayos ang sistema ng pulitika sa ating bansa, kung kaya sana ay huwag tayong umasta na higit nating naiintindihan ang mga sangkap na dapat magkaroon ang isang sistemang pulitikal ng isang bansa para ito’y umangat. Huwag sana tayong magmarunong at sumawsaw sa mga bagay na hindi natin lubos na naiintindihan.

Ang kahiligan natin sa pagsawsaw ay dapat ituon natin sa pagiisip ng mga paraan para umangat ang ating mga sariling buhay. Imbis na sawsawan nang labis-labis ang nangyayari sa Estados Unidos, bakit hindi tayo sumawsaw sa mga napapanahong isyu na nakadikit sa mga araw-araw nating pangangailangan, tulad ng mga isyu sa pagpapalakas ng agrikultura, pagdadagdag ng trabaho para sa mga nakararaming nakanganga hanggang sa ngayon at sa pagdadagdag sa pondo ng pamahalaan na pantustos sa serbisyo publikong ipinagkakaloob ng pamahalaan? Ang higit dapat nating sinasawsawan ay ang partisipasyon ng iba nating kababayang natutulog sa pansitan at ibang pulitikong walang habas ang pagkukubra ng kayamanan sa pamahalaan.

Hindi nakakayaman ang labis ding pagsawsaw sa showbiz, o sa anumang bagay na kumakain sa mga oras na sana’y tayo’y nagiging produktibo.

Ang pagsasawsaw na mapangmata, mapanlait ay kailanma’y hindi magbubunga ng kahit anong maganda. Ang tawag diyan ng iba- karma.

Sa totoo lang naman, hindi maling magbigay ng opinion o kuro-kuro sa mga bagay-bagay. Pero ito’y dapat pinag-iisipan at alam din natin dapat kung saan ang ating pinanggagalingan.

Huwag nating hintaying tawanan tayo ng mga taga-Estados Unidos dahil sa labis nating pakikisawsaw sa kanilang pulitika, at sa’tin pa’y sabihing:

“Look at these Filipinos… The nerve they’ve got to comment on our elections and politics while their lives are miserably falling apart day in and day out with their crooked politicians and rotten political system.”

Imbis na sumawsaw sa problema ng iba, sumawsaw tayo sa ating mga sariling isyu at sariling problema.

Ang sabi nga nila, “Linisin mo muna ang iyong bakuran bago mo linisin ang sa iba…”

Bago nga naman tayo sumawsaw sa kanila, asikasuhin muna natin ang ating sarili, na alam naman nating mas magulo at komplikado nang higit sa ating pinupuna’t sinasawsawan.

Hindi po ako nakikisawsaw. Nakikilahok lang po tayo sa pagtatama ng konsepto ng pagiging “sawsaw.”

BLOG COMMENTS POWERED BY DISQUS
About the Author
Mr. Aaron Benedict De Leon is currently a Business Development Practitioner in a private consulting firm. He has more than six years of professional experience in leading and managing political and non-government organizations, specializing in organizational management, policy development and program management. He has had stints with notable political/socio-civic organizations, serving in various capacities as: Secretary-General of the Centrist Democratic Party of the Philippines (CDP) [2013-2015], Founding Chairperson of the Centrist Democratic Youth Association of the Philippines (CDYAP) [2012-2014], Philippine Representative to the International Young Democrat Union (IYDU) [2011-2012], Chairperson of the Christian Democratic Youth [2011-2012], Secretary-General of YOUTH Philippines [2010-2011], and Spokesperson/Communications Director of the GT2010 Gilbert Teodoro Presidential Campaign [2009-2010].
Other Articles