Breaking the Convention Part VI: Ang Likas na Katamaran ng Ibang Pilipino

Kung kaya, para lang mabuhay, kung anu-ano nang mga bagay at raket ang pinapasok ng ating ibang kababayan. Nariyan ang pagtaya sa lotto, pamamalimos sa mga kalye at ang malala dito- ang pagkadawit nila sa krimen tulad ng pagbebenta ng droga o di naman kaya’y panghoholdap.

Pangsiyam ito sa siyam na serye ng mga artikulong mumulat sa mga Kabataan pagdating sa ginagawa ng kanilang mga nakakatanda sa lipunan. Hindi ito pangkaraniwang artikulo, ngunit isa itong paraan para makipagusap sa mga kabataan sa natural na pamamaraan. Nawa’y kapulutan ng aral ang artikulo at maging simula ng pagnanais ng mga kabataan na maging iba sa kanilang kinagisnan.

Karaniwang sinisisi ng mga Pilipino ang ating pamahalaan at mga pulitiko sa kawalan ng kaunlaran at kahirapan sa ating bansa. Madalas, kanilang idinaraing ang kapalpakan ng ating gobyernong maibigay sa kanila ang isang maginhawang buhay. Marahil, kung titingnan natin ang kanilang estado sa buhay, hindi natin sila masisisi. Siguro nga nama’y binabaha sila ng mga regalo’t pera tuwing darating ang eleksyon, ngunit iiwang nakanganga kapag nakaluklok na ang mga pulitiko sa puwesto.

Kung kaya, para lang mabuhay, kung anu-ano nang mga bagay at raket ang pinapasok ng ating ibang kababayan. Nariyan ang pagtaya sa lotto, pamamalimos sa mga kalye at ang malala dito- ang pagkadawit nila sa krimen tulad ng pagbebenta ng droga o di naman kaya’y panghoholdap.

Hindi natin kailangang maging henyo para malaman nating maraming naghihirap na Pilipino. Hindi rin tayo bulag at bingi sa mga naririnig at nakikita natin sa telebisyon, radyo o kahit pa sa internet.

Siguro nga, may kasalanan ang gobyerno dahil lagi nitong pinaaasa ang mga tao sa mga ayuda kung kaya’t ang iba’y naghihintay na lamang sa limos ng ating mga opisyal sa pamahalaan at pulitiko. Pero hindi pagmamay-ari ng gobyerno ang ating katawa’t utak kung kaya’t hindi nila mapapakain at mabibigyan ang lahat ng tao sa ating bansa. Hindi rin “unlimited“ ang salapi ng pamahalaan para matustusan ang pangangailangan ng lahat ng naghihirap.

Nasanay na kasi ang iba nating kababayan sa ambon ng grasya, tulad ni Juan Tamad, na naghihintay ng biyaya sa paghihintay na malaglag ang isang prutas sa kanyang bibig, imbis na kuhain ito para agad niyang matugunan ang kaniyang gutom.

Ito ang nakalulungkot na pag-uugali at katayuan sa buhay ng iba nating kababayan- na mas pinipiling ngumanga, umasa sa wala, makipagtsismisan sa tumpukan at magsugal kaysa maghanap ng trabaho, magbanat ng buto at kumita ng pera sa maayos na paraan.

Hindi na ako nagugulat na tumaas ang krimen na kinasasangkutan ng mga kabataan ng 300% ngayong taon. Ito’y indikasyon lamang ng mahinang “value system“ na namamayani sa mga pamilya natin ngayon sa lipunan. Maraming anak ang nakikita ang kawalan ng direksyon ng kanilang mga magulang- marahil dahil sa likas nitong katamaran at kawalan ng interes na kumita dahil may mga anak silang mauutusan at mahuhuthutan, kung kaya’t napipilitang kumapit ang iba sa patalim.

Sa panahon ngayon, wala na tayong tinatawag na “easy money.“ Ang pera sa panahong ito, kung ibig mong mabuhay nang marangal at mabuti, ay dapat kinikita gamit ang ating katawan at utak.

Hindi rin dapat nagtatapos ang pagdidisiplina at pagkokondena sa katamaran sa loob ng ating mga tahanan. Dapat, ito’y ipinagpapatuloy sa ating mga paaralan.

Pero papaano natin ito maisasagawa, kung ang mga paaralan mismo’y hindi dinidisiplina ang mga mag-aaral nito mula sa sakit na “katam“ ng mga ito (katamaran).

Isang paaralan sa Quezon City malapit sa Commonwealth ang kakikitaan ng napakasamang halimbawa ng katamaran.

May isang malaking overpass na makikita malapit sa paaralan para maging tawiran ng mga mag-aaral patungo sa sakayang patungo ng Rizal. Ngunit sa kabila ng presensya ng mga kapulisan, walang habas na tumatawid ang mga mag-aaral sa kalsada, bagamat may nakalaang overpass para maging ligtas nilang daanan. Ang malala dito, nasa tapat pa ito ng paaralan.

Tanong: Paano magiging masunurin sa batas ang mga mag-aaral at hindi maging tamad kung pinababayaan lamang ng mga awtoridad sa paaralan at kapulisan ang ganitong uri ng kawalan ng disiplina?

Sa totoo lang, hindi natin pwedeng isisi ng buo ang nangyayari sa ating bansa sa ating pamahalaan o gobyerno. Hindi kailangang maging sobrang matalino ang solusyon sa ating mga problema. Huwag din tayong magmala-Pontio Pilato at maghugas kamay sa mga problemang tayo rin ang may gawa o walang ginawa.

Hindi tayo maaaring magpabandying-bandying kung gusto nating umasenso. Mahirap maghanap ng trabaho, mahirap magtrabaho, nakakastress magtrabaho at minsa’y maliit pa ang sahod- totoo. Pero kung puro angal at atungal ang ating paiiralin, ano ang maipapakain natin sa ating pamilya? Aasa na naman ba tayo sa panggagamit ng ibang pulitiko sa pamamagitan ng ayudang hindi naman tuloy-tuloy?

Sabi nga ni dating Senador Richard Gordon:

“Sa panahon natin ngayon, bawal ang tamad at bawal ang tama.”

Sang-ayon ako dito, dahil ang tamad at tanga, kahit sa kangkungan at basuraha’y walang paglalagyan.

BLOG COMMENTS POWERED BY DISQUS
About the Author
Mr. Aaron Benedict De Leon is currently a Business Development Practitioner in a private consulting firm. He has more than six years of professional experience in leading and managing political and non-government organizations, specializing in organizational management, policy development and program management. He has had stints with notable political/socio-civic organizations, serving in various capacities as: Secretary-General of the Centrist Democratic Party of the Philippines (CDP) [2013-2015], Founding Chairperson of the Centrist Democratic Youth Association of the Philippines (CDYAP) [2012-2014], Philippine Representative to the International Young Democrat Union (IYDU) [2011-2012], Chairperson of the Christian Democratic Youth [2011-2012], Secretary-General of YOUTH Philippines [2010-2011], and Spokesperson/Communications Director of the GT2010 Gilbert Teodoro Presidential Campaign [2009-2010].
Other Articles