Breaking the Convention Part VII: Utang na Loob, pwede ba?

Ang pagtanaw ng “utang na loob“ sa panahon ngayon ay hindi na likas na katangian ng Pilipino, kundi isang pananagutang dapat bayaran ng mga taong ginawan ng kabutihan. Ang iba namang mas nakakaangat sa buhay, binabaon ang mga mahihirap sa utang na loob hanggang sa wala na itong ibang magagawa kundi bayaran ang kabutihan ng mga “mabubuti kuno ang loob“ sa ibang paraan.

Pampito ito sa siyam na serye ng mga artikulong mumulat sa mga Kabataan pagdating sa ginagawa ng kanilang mga nakakatanda sa lipunan. Hindi ito pangkaraniwang artikulo, ngunit isa itong paraan para makipagusap sa mga kabataan sa natural na pamamaraan. Nawa’y kapulutan ng aral ang artikulo at maging simula ng pagnanais ng mga kabataan na maging iba sa kanilang kinagisnan.

Sa tuwing gagawa tayo ng maganda sa ating kapwa, karaniwan, aminin man natin o hindi, tayo ay naghihintay ng kapalit- kahit isang “thank you”, kabayaran o pagbalik ng isang pabor para nagawa sa atin ng ating kapwa. Sa madaling sabi, mayroon tayong utang na loob sa mga taong gumagawa sa’tin ng maganda at nagbigay sa atin ng pagkakataon at sari-saring oportunidad.

Likas na sa ating mga Pilipino ang magkaroon ng “utang na loob.” Ito’y isang magandang kaugalian, isang pagkilala sa kabutihan ng ating kapwa. Ngunit ang utang na loob, sa konteksto ng modernong panahon, ay nagkakaroon na ng negatibong konotasyon. Ang utang na loob ang nagiging bentahe ng ibang tao para gawing alipin ang ibang tao para makuha ang kanilang gusto.

Ang pagtanaw ng “utang na loob“ sa panahon ngayon ay hindi na likas na katangian ng Pilipino, kundi isang pananagutang dapat bayaran ng mga taong ginawan ng kabutihan. Ang iba namang mas nakakaangat sa buhay, binabaon ang mga mahihirap sa utang na loob hanggang sa wala na itong ibang magagawa kundi bayaran ang kabutihan ng mga “mabubuti kuno ang loob“ sa ibang paraan.

Isa na nga lang bang desepsyon ang konsepto ng “utang na loob“ para makuha ng iba ang gusto nilang makuha sa kapwa? Naitanong ko ito dahil sa isang napakalinaw na halimbawa.

Ang isang nangangarap ng pulitiko ay kakikitaan ng kagalentehan sa panahon ng kampanya, kung saan siya’y makikitang nag-iikot, nagkakaloob ng ayuda, nagpapagawa ng anu-anong proyektong kulang na lang mas malaki pa ang mukha kaysa sa pinaggawa. Ang mga pobreng kababayan naman natin, hala sige kung makatanggap at punong-puno ng pasasalamat sa mga bagay na kanilang natanggap.

Natural, porket binuhusan nang kung anu-anong mga regalo’t kaloob ang mga mahihirap nating kababayan, sila’y maeengganyo na iboto ang mga nasabing pulitikong “mabubuti kuno ang loob.“

Mananalo ang pulitiko at siya’y mahahalal sa puwesto. Sa kinalaunan, dahil sa ginawa ng pulitiko sa mga tao, umasa na ng umasa ang mga tao sa nakasanayang kaloob galing sa pulitiko. Sa kinalaunan, wala na ding natatanggap ang mga tao. Ang malala pala dito, lingid sa kanilang kaalaman, ang kanila palang lugar na kinatitirikan ay binenta na ng pulitiko sa isang negosyante’t mamumuhunan. Tuloy, ang mga tao’y mapapalayas at mawawalan ng tirahan.

Hindi man kasing-sama ng halimbawa, maraming mga Pilipino na ang nababaon sa utang na loob dahil sa pagtanggap ng mga kung ano-ano galing sa pulitiko. Kapag tinanong mo sila, karaniwan nilang sagot ay tumatanaw lang sila ng utang na loob sa taong nagbigay sa kanila ng mga kaloob.

Maraming tema sa ating mga pelikula na ang nagpakita ng masamang epekto ng “utang na loob.“ Mula sa pag-ibig, hanggang sa mga iligal na gawain at kahit sa mga palabas na may temang pulitikal, malinaw ang sinasabi ng mga ito-

“Huwag agad magtiwala sa biglaang kabutihan ng mga taong kakakilala mo pa lamang.“

Hindi masamang tumanaw ng utang na loob. Pero binigyan tayo ng utak ng Panginoon para mag-isip. Hindi rin masamang mag-isip tayo kung bakit kaya tayo ginagawan ng kabutihan ng isang bagong kakilala. Huwag nating itangging mahirap na talagang magtiwala sa panahon ngayon kung kaya’t dapat lalo nating pag-ibayuhin ang ating pag-iingat, lalo na sa mga biglang sulpot na taong magpapakita agad ng kabutihan.

Hindi natin tinuturuan ang taong maging labis na mapaghinala. Tinuturuan lang natin ang tao na mag-isip, maging mapagmatyag at maging mabusisi sa pagkilala sa mga taong kakakilala pa lamang nila.

Nagsisimula ang negatibong epekto ng utang na loob kapag nakakalimutan nating mag-isip.

Hindi na maaaring puro puso’t utang na loob na lamang ang ating paiiralin sa panahon ngayon. Utang na loob, pwede ba?

BLOG COMMENTS POWERED BY DISQUS
About the Author
Mr. Aaron Benedict De Leon is currently a Business Development Practitioner in a private consulting firm. He has more than six years of professional experience in leading and managing political and non-government organizations, specializing in organizational management, policy development and program management. He has had stints with notable political/socio-civic organizations, serving in various capacities as: Secretary-General of the Centrist Democratic Party of the Philippines (CDP) [2013-2015], Founding Chairperson of the Centrist Democratic Youth Association of the Philippines (CDYAP) [2012-2014], Philippine Representative to the International Young Democrat Union (IYDU) [2011-2012], Chairperson of the Christian Democratic Youth [2011-2012], Secretary-General of YOUTH Philippines [2010-2011], and Spokesperson/Communications Director of the GT2010 Gilbert Teodoro Presidential Campaign [2009-2010].
Other Articles