Banner

Trend Blazer

Shares compelling reasons why youth engagement in political and socio-civic affairs is fashionable and trendy. Seeks to present and spark new thought provokiing ideas on the  importance of ideology in today's modern world.


Linggo Ng Wika, O Buhay Na Wika?

Aaron Benedict De Leon

Tags: Trend Blazer

Ang wika ay hindi lamang salamin ng sinasalitang lenggwahe sa isang bayan, kundi repleksyon ng isang mas malalim na katotohanan, na ang wika ay simbolo ng kaayusan at katatagan ng isang bansa. Taun-taon ay ginugunita natin ang Linggo ng Wika, bilang pagkilala sa kahalagahan ng Wikang Filipino bilang kaluluwa ng ating lahi. Taun-taon din ay gumagawa tayo ng mga temang naaangkop sa pagpapayabong ng Wikang Filipino sa iba’t ibang kapuluan ng ating bansa. Ngunit sa paglipas ng panahon, at sa mga pagbabagong kaakibat nito, may saysay pa ba ang paggunita o selebrasyon ng isang bagay na unti-unting nawawala na sa kamalayan ng mga Pilipino? Hindi lamang naman ito dapat isang paggunita, ngunit isang patuloy na pagkilala sa ambag ng Wikang Filipino sa ating pambansang kamalayan at pagkakakilanlan.

Hindi ko lubos maisip kung bakit tingin ng ibang tao ay higit silang superyor na Pilipino dahil sa kahusayan nila sa pagsasalita ng Ingles. Totoo, pangangailangan ang kagalingan sa pagsasalita ng Ingles sa iba’t ibang larangan sa panahong ito, ngunit hindi ito nangangahulugan na tuluyan nating tatalikdan ang pagsisikap nating lalo pang makilala at mapaunlad ang ating pagsasalita ng sariling wika.

Hindi ko rin lubos na maisip na ang paghahambing sa pagsasalita ng Ingles at Filipino ay katumbas ng paghahambing sa pagitan ng mayayaman at mahihirap sa ating lipunan.

Hindi ako makapapayag na ang karunungan sa pagsasalita ng Ingles ay sagisag ng malawak na karunungan o kayamanan. Ito ay isang baluktot na paniniwala na kumakatawan hindi lamang sa kayabangan o kasalatan sa kaalaman ng isang tao tungkol sa karunungan, kundi pati na rin sa antas ng pagpapahalaga ng isang tao sa kanyang pagkatao at pagka-Pilipino.

Binabati ko ang Pangulong Aquino, dahil sa karamihan ng kanyang mga talumpati, kanyang gamit ang Wikang Filipino upang ipahayag ang kanyang mga plano at mithiin para sa bansa. Sa ganitong pamamaraan, naiiintidihan ng mga tao ang kanyang mensahe, paraan upang sila ay makiisa man o magbigay ng kritisismo. Ngunit kung mararapatin, isa lamang ba itong istratehiyang pampulitikal, o isang dalisay na paggamit sa wikang ating kinagisnan?

Ang Pangulo, o kahit sinuman sa ating lipunan ay batid ang kapuluang katangian ng ating bansa. Maraming pulo ang hiwa-hiwalay sa isa’t isa, at kadalasa’y ito ang itinuturong dahilan kung bakit ang kamalayan sa Pambansang Wika ay salat sa mga lugar na hindi rin nararating ng teknolohiya’t modernisasyon.

Sa kabilang dako ng kapuluan ay patuloy ang digmaan sa pagitan ng ating pamahalaan at mga bandido, ngunit dahil sa pinagmulang relihiyon o pangkat etniko ng mga nagtutunggali, ang labanan ay tinaguri nang laban ng Kristiyano at Muslim, laban ng mga taga-nayon kontra mga taga-Mindanao.

Ang mga realidad na ito, at marami pa, ay hindi lamang salamin o repleksyon ng mga suliraning kinakaharap ng ating bansa, ngunit ito ay katotohanang nagpapakitang walang kaisahan at walang kabuuan ang Wikang Filipino na ating pinaguusapan, mula sa lenggwahe, sa pamamaraan ng pagpapahayag, hanggang sa mga pisikal na manipestasyon ng ating pagka-Pilipino.

Ang kampanya o tema ng selebrasyon ng Linggo ng Wika, na “Ang Filipino ay Wikang Panlahat, Ilaw at Lakas sa Tuwid na Landas” ay hindi lamang dapat tulad ng pangangako ng isang pamahalaan ng pagbabago tuwing magkakaroon ng halalan. Ang pagkilala sa Wikang Filipino ay hindi lamang dapat isang panahunan na paggunita sa kontribusyon ng ating wika sa ideya ng nasyonalismo sa ating bansa.

Ang Wikang Filipino, sa pangmatagalang panahon, ay dapat pagyamanin, hindi lamang sa pagiimbento ng mga salitang jejemon, o kahit na sa pagbabaligtad ng mga salita at kataga. Ang Wikang Filipino ay dapat sumagisag sa likas na katangian ng Pilipino- mahusay, angat sa ibang lahi, at matatag. Panahon na para baguhin ang pagtingin ng ibang tao tungkol sa ating Filipino.

At biglang tugon sa isang sikat na Pilipinang sumali sa isang kilalang patimpalak:

“Excuse me, Miss Universe, but Filipino should not only be used when you talk to your maids, but even in International Competitions, to highlight how proud we are of our language.”

Kung ako ang tatanungin, mayaman ang kasaysayan ng Wikang Filipino, tulad ng ating bansa. Kung nais nating bumangon mula sa kahirapan, mula sa kawalan, magsisimula ito sa pagtangkilik, paggamit at pagpapayabong ng Wikang Filipino.

Magsisimula ito sa sanaysay na ito, at nawa’y hindi magwakas ang pagkilala sa gawa ng Pilipinong tunay na Filipino.



Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Mixx! Free and Open Source Software News Google! Live! Facebook! StumbleUpon! TwitThis

blog comments powered by Disqus

More on Perspectives

  • 0
  • 1
  • 2
  • 3

Federalism, Government Debt, Civil Society and the Private Sector

News image

Putting high emphasis on one form of government tend to blind people into glorifying one form over another, hoping that such change in political structure will deliver the necessary development ... Read more

Less Government | Nonoy Oplas | Sunday, 20 May 2012 | Hits: 42 | Comments

Avengers Assemble

News image

As our movie houses are conquered by “The Avengers” and as that pelenovela (political-economic telenovela) unfolds in the Senate, some other matters with long-term implications are transpiring in the halls ... Read more

Warp 9! | Louie Montemar | Friday, 18 May 2012 | Hits: 40 | Comments

Fixing the President’s Image for the General Welfare: An Open Letter to the Presidential C

News image

The past week, we heard confirmation from the President himself that he and Ms. Grace Lee, a TV and radio personality have gone separate ways – claiming that they are ... Read more

Trend Blazer | Aaron Benedict De Leon | Friday, 18 May 2012 | Hits: 42 | Comments

A Tale of Two Fights: The Thrilla in NAIA and Game 7 of the PBA Finals

Sunday, May 6 was quite an eventful day for many. It was a day of fights and competition, where the victors were supposed to stand tall and the ... Read more

Trend Blazer | Aaron Benedict De Leon | Friday, 11 May 2012 | Hits: 150 | Comments

Subscribe to Newsletter

Related Articles